Ipinagmamalaki ko na isa akong Katoliko mula sa bansang Pilipinas. Sa aming bansa, Katoliko ang may pinakamaraming bilang ng populasyon na halos 90%, at sinundan naman ito ng Islam na mayroong 5% ng kabuuang populasyon ng bansa.
Sa kasalukuyang panahong ito, ang mga Muslim ay nagdiriwang ng Ramadan sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang Ramadan, o tinatawag ding Sawm, ay isa sa limang haligi ng Islam at ito ay napakahalaga sa mga Muslim.
Sa katotohanan, dahil hindi ako isang Muslim, wala akong personal na karanasan patungkol sa Ramadan. Ngunit sa pagkakaalam ko, at marahil sa pagkakaalam rin ng iba, ang Ramadan ay taunang paghahanda, pag-aayuno at pagkakaroon ng mas malalim na pagdarasal ng mga Muslim. Ito ay napakahalaga at napaka-sagradong aktibidad para sa lahat ng Muslim dahil ito ay nagpapalalim ng kanilang pananampalataya at mas napapalapit sila kay Allah dahil dito. Ang Ramadan ay walang partikular na petsa sa bawat taon at ito ay madalas nagbabago. Ito ay ang ika-siyam na buwan sa kalendaryo ng Islam.
Sa aking palagay, ang Ramadan ay maihahalintulad sa Semana Santa o Mahal na Araw para sa aming mga Katoliko. Ang Mahal na Araw ay isang selebrasyon kung kailan aming ginugunita at pinagninilayan ang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Ito ay ang panahon ng paghahanda sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aayuno, pagsisisi sa mga kasalanang nagawa, at pagbabalik-loob sa Diyos.
Bilang isang Katoliko, obligasyon natin na maki-isa sa mga banal na Gawain tuwing Semana Santa. Ngunit hindi lamang ito isang obligsyon na kailangang sundin, nararapat din na buong-puso tayong maki-isa sa banal na pagdiriwang na ito. Ito ang natatanging panahon kung saan ako nagkakaroon ng matindi at mas malalim na ugnayan kay Hesus habang inaalala ko ang Kanyang paghihirap upang mailigtas ako mula sa apoy ng impyerno. Ito ang panahon kung saan lubos kong napasasalamatan at napapupurihan ang Panginoong Diyos na isinakripisyo ang Kanyang nag-iisang anak para sa aking kaligtasan.
Katoliko, Muslim o anumang relihiyon ang ating kinabibilangan, nararapat lamang na tayo ay magkaroon ng malalim na pananampalataya at ugnayan sa ating Diyos. Naniniwala ako na iba’t iba man ang ating relihiyon na kinabibilangan, ang ating pananampalataya lamang sa Diyos ang makapagliligtas sa atin sa itinakdang panahon.
View the Original article
0 comments:
Post a Comment