Mga Tradisyonal na Kasuotang Muslim

on Thursday, January 17, 2013

Ang mga Muslim ay kilala dahil sa kanilang kakaibang kultura at paniniwala. Isa sa mga kulturang muslim ay ang kanilang mga magaganda at makukulay na mga kasuotan na minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Ating alamin ang iilan sa mga kasuotang Muslim na karaniwang makikita sa Mindanao.

Ang pinaka-kilalang tradisyonal na kasuotan ng mga Muslim ay ang “Malong”, isang malaki at makulay na telang pinagtagpi na karaniwang ginagamit na pambalot sa katawan. Karaniwan, sinusuot ito ng mga kababaihan sa paligid ng baywang na ang itaas na dulo ay nakatagpi sa ibabaw ng kaliwang braso. Ang mga kalalakihan naman, sinusuot ito na nakapaligid sa baywang tulad ng isang palda.

Ang malong ay may maraming gamit depende sa pangangailangan ng tagapagsuot. Maaari din itong gamitin bilang isang amerikana, kappa, kumot, o payong. Ang mga Maranao at Maguindanao ay sinusuot ito sa llob ng isang blusa na kung tawagin ay “arbita”.

Ang “Patadyong” ay isang uri ng malong na makikita sa Sulu. Ito ay mas maliliit at kahawig nito ang sarong na sinusuot sa Indonesia at Malaysia. Makikita itong nakapalibot sa ulo ng mga kababaihan o kayay ginagamit na palamuti sa kanilang katawan. Ang “Sawal” naman o “kantyu” isang maluwag at malaking pantalon na gawa sa malambot na tela na sinusuot sa mga babae at lalaki. Ang mga lalaki, sinusuot ang Sawal pares ang polo-shirt habang ang mga babae ay sinusuot ito kasama ng “sambra”, isang V-neck na blusa. Karaniwang ginagamit ito kahit ng mga hindi Muslim kung pumupunta sa mga pam-publikong paliguan.

Kilala naman ang “Biyatawi” sa mga Tausug na kababaihan. Isa itong blusa na may desinyong mahigpit sa katawan na kumikinang sa baywang. May malalim itong neckline na magandang pinaparesan ng mga palawit. Uso sa mga biyatawi ang gintong butones. Kalimitang makikita ang mga ito kapag may mga mahahalagang mga okasyon ng mga Muslim.
Tradisyonal na kasuotan sa ulo ng mga kalalakihang Muslim ang tinatawag na “Tobao” sa Maguindanao at Maranao. Kilala ito sa mga Tausug bilang “Ppis”. Isa itong tela na nakapalibot sa ulo na may desinyong heometriko, bulaklak, kaligrapya ng mga Arabe. Isa pang kasuotan sa ulo ang tinatawag na “Kopiya”, na kung saan ay katulad ng “songkok” na ginagamit sa Indonesia at Malaysia. Espesyal na uri naman ng kasuotan sa ulo ang tinatawag na “Kadi” na may kulay puti at sinusuot lamang ng mga lalaking nakapunta na sa Mecca.

Ang mga kasuotang ito ay karaniwan sa pook ng Mindanao sa mga bahagi na kung saan ang mga Muslim ay naninirahan. Bagamat hindi na masyadong ginagamit sa bagong kapanuhan, di maipagkakaila na ang mga Muslim ay nakilala din dahil sa ganda ng kanilang mga kasuotan. Nakakalungkot isipin na iilan nalang ang marunong gumawa ng mga kasuotang ito.



View the
Original article

2 comments:

Unknown said...

Can please show a photo of that biyatawi,and that sawal or kantyu?T.y

Unknown said...

Thank you for this reference